MANILA, Philippines – Tiyak daw na mananagot ang mga palpak na water districts at kanilang mga joint venture partners, sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 28.
Hindi niya direktang pinangalanan ang PrimeWater ng pamilyang Villar, pero obvious naman na sila ang pinakasasabit dito.
Ilang buwan na rin silang iniimbestigahan ng Local Water Utilities Administration o LWUA, at nakita na raw ni Marcos ang report.
Panuorin ang report na ito ni Lian Buan.
TRANSCRIPT
Six million Flipinos affected by bad water service.
Ganyan kalawak ang perwisyong dulot ng mga palpak na water districts at kanilang joint venture partners.
Kaya ang warning ni President Marcos sa kanila: humanda, at may mananagot.
Hindi niya pinangalanan kung sinu-sino ito, pero obvious naman na ang PrimeWater ng mga Villar ang pinakasasabit dito.
Kaya nga alam ng direktor ng SONA kung kanino itututok ang camera, ‘di ba?
Hindi lang pang-araw-araw na buhay ang apektado ng palpak ng PrimeWater. Pati negosyo at turismo. Gaya na lang ng pinagdadaanan ng mga kapwa Ilokano ni BBM sa La Union.
Nawawalan na rin daw ng kita ang mga hotel and restaurant dahil sa nire-refund nila sa mga customer na nagrereklamo sa tuwing wala silang tubig. Ang laki na rin daw ng gastos nila sa alternative methods to get water.
Nagbukas na ang 20th Congress, at parehong nangako ang Senado at House of Representatives na sila rin ay mag-iimbestiga ng PrimeWater.
Bukod sa pagbabalik ng tubig, ang panawagan ng mga naperwisyo ng PrimeWater ay kanselahin na ang mga kontrata sa lalong madaling panahon. At magtanda na ang gobyerno sa perwisyong dulot kapag isinapribado mo ang pampublikong serbisyo. – Rappler.com